Kahit saan ka tumingin sa panahong ito, puro ilaw ng Krismas tree, parol at mga makukulay na palamuti ang iyong makikita. Sa mga pamilihan, naglalakihang SALE! ang iyong nakikita. Hindi nga ba’t ang Pasko ay panahon ng kasaganaan para sa karamihan ng mga tao?
Malamig na din ang simoy ng hangin.
Bagama’t ma-trapik na, ramdam mo na ang mga tao ay naging mas masayahin.
Sige na nga, sasabihin ko na din, sa mga sumasakay ng taksi katulad ko, ramdam na din ang mga mapagsamantalang mga driver, hmph.
Sa likod ng mga ngiti at halakhak, tunay man o may halong kaplastikan, sa bawat pagsubo ng masarap ng pagkaing inihanda para sa mga pagsasalo-salo, at sa bawat pagbukas ng pitaka upang mamili ng kung ano ang maiman na bilhin para sa sarili o sa iba, bukas ba ang ating mga puso sa mga taong salat sa tila ba karangyaan at sobra-sobrang “biyayang” hatid ng Pasko?
Sana nga, merong mga taong bukas ang kanilang puso (at pitaka) sa mga taong nangangailangan, lalo na yung mga nakatira sa kanayunan. Alam ko maraming magagalit sa akin sa sasabihin ko, sa aking palagay, oo nga’t mabuting binibigyan ng ligaya ang mga batang paslit na iniwan sa mga ampunan tuwing Pasko, pero sana naman, pagtuunan din ng pansin ang mga nandun sa liblib ng lugar.
Sila ay salat din sa mga biyaya ng Pasko mula sa mga taong may malinis at bukas na puso.