Tag Archives: Litratong Pinoy

Achievement Test

Narito ang aming bunso, noong kumuha ng isang pagsusulit o achievement test mula sa Department of Education o DepEd. Ito ay taunang ginaganap para sa mga batang katulad nila na nagho-homeschool.

pagsusuri

Ngayon, sila ay makararanas na ng pagsusulit sa paaralan, paggising ng mas maaga, paggawa ng homework, pagsakay sa school service, pakikisama sa ibang batang katulad nila at pagdadala ng packed lunch kasi sila ay pumapasok sa isang paaralang “physical”.

Di na pwede sumagot ng pagsusulit na naka-pajama 😀

May Pag-asa Pa Ba?

Pag-asa. Isang katangiang positibo ang pananaw na may pag-asa, sa kabila ng mga balakid sa buhay at mga problemang tila ba sumusubok kung gaano katatag ang isang tao o ang isang bansa sa harap ng mga pagsubok.

May10 Philippine elections

Sabi nga sa isang Facebook page ng kandidatong aking ibinoto at pinaniwalaang makatutulong sa ating bansa, “He gave us hope but we missed the flight.”

Isa ako sa milyung-milyong Pilipinong umasa ng malinis na eleksiyon.

Isa ako sa umaasa na mas gaganda ang buhay ng pamilya ko (at ng lahat ng pamilyang Pilipino), hindi lamang dahil ako ay nagsisikap na mapabuti ito kundi dahil mayroon mga namumuno na may magandang hangarin para sa bansang ito.

Maaaring bugbog na nga ang ating bansa sa mga nananamantala ng kanyang mga yaman, natural na yaman man o inutang sa ibang bansa, ako ay may natitirang konting pag-asa sa aking puso na panghahawakan kung sakaling mananatili pa ding tila madilim ang daang tatahakin. Sabi nga ng mga matatanda, “pasasaan din at lilipas din ang unos” patungkol sa mga dagok ng buhay.

Naniniwala ka ba na may pag-asa pa para sa ating bansa?

Pag-asa na siyang dapat paniniwalaan dahil ito ang nagbibigay babala kung may bagyo o wala. Joke… 😀

C5-Mindanao Avenue-NLEX

Noong isang taon ay naging larawan at post ko sa temang simula ang ginagawang Phase 2 Project Segment 8.1 connecting Mindanao Avenue to NLEX.

Heto na ngayon ang malapit nang makumpletong modernong kalsada ng C5 – Mindanao Avenue – NLEX na alam ko ay isang malaking pagbabago hindi lamang sa mga mananakay kundi para din sa mga nakatira malapit dito:

mindanao avenue-NLEX

Ang nasa kaliwa ay patungong NLEX at ang nasa kanan ay patungong Mindanao Avenue.

Ito pa ang isang larawan sa ibang lugar (mula sa unang larawan) na malapit sa bagong kalsada: ang tollgate.

tollgate

Malaking pagbabago din ito sa amin dahil ilang bloke mula sa aming tinitirhan ay nakagugulat na makakita ng bubong ng toll gate. Maaaring hindi malaking bagay ito sa ilan ngunit hindi sa isang iang katulad ko na nag-aalala para sa kalusugan ng mga anak ko lalo pa ang isa sa kanila ay may asthma.

Hindi ko tuloy alam kung ako ba ay matutuwa sa pagbabagong ito o hindi. Malamang ang sagot ay hindi.

Magic Tree House Series

Ito ang aking unico hijo, nagbabasa ng isa sa mga aklat ng Magic Tree House series. Gustung-gusto niya ang mga aklat na ito at katunayan, isang araw niya lang binabasa ang isang aklat. Me konting problema nga lang, dahil mahilig siya sa numero, gusto niya dapat sunud-sunod ang mga book na babasahin niya 😉

Magic Tree House

Meron ding siyang ilang series na kinahiligan kagaya ng Geronimo Stilton at Top Gear (hehe, iba na to) na dapat sunud-sunod din ang pagbasa at pagpanood sa season.

Ang mga numero tungkol sa Formula One: standing, scores, speed, haba ng race tracks, at number of turns nito  (dinikta niya itong mga ito) ay kanyang gino-Google. Dati ang hilig niya ay size ng smallest at biggest countries at mga population nito 😀

Numero, bow. Yan ang hilig ng anak kong lalaki.

Estranghero sa Pool

Estranghero, marami nito sa mga public swimming pools. Kahit na sa pool na pambata, dapat bantayan pa din ang mga anak dahil sa panahon ngayon maraming mga  hindi mapagkakatiwalaan.

swimming kids

Ang aking bunso, yung naka-aquamarine at ang pinsan niyang may itim na goggles. Mabuti noong nagswimming kami, yung medyo mas matatandang bata nababantayan ang mga mas bata sa kanila.

Hindi nga ba’t isa sa unang itinuturo sa mga bata ay huwag sumama o makipag-usap sa mga estranghero?